Ako ay nagpasiya na ihahayag ko ang aking pagninilaynilay na ito sa aking katutubong wika. Maalala ng ilan kong mambabasa na aking nabanggit sa isa sa mga nauna kong sulatin na noong bagong dating ako dito sa bansang Amerika, sumapit ang punto na ako ay nagsawa sa pasasalita ng wikang Inglis. Upang maibsan ang aking pananabik sa bagay na ito, aking kinakausap ang aso ng aking kabiyak. Sumalangit nawa ang kayang asong kaluluwa at harinaway nasa langit na sya ng mga aso.
Isang katanungan ang umiikilkil sa aking mapagusisang kaisipan, - Paano mo masusukat ang kulungkutan ng isang Pilipino na naninirahan sa banyagang lupain? Sinasabi ng marami na tayo ay likas na madaling matutu sa gawi at asal ng ating inampong bayan, at ayon na rin sa mga karanasan ng mga Pilipino na matagal ng naninirahan dito, sa loob nga limang taon, nga mga baguhan ay narahuyo na sa buhay Amerika; ang pagnanasa niya sa kanyang inang bayan ay pagbugso bugso na lang at hindi kasing higpit ng dati.
Ating harapin na ang buhay sa kanluraning bayan ay mas maalwan at ang pagkakataon sa pag unlad ay kasukat lamang ng iyong talino at tapang ng loob. Ang pag aari ng kotse sa Pilipinas ay maituturing na pag angat sa estado sa buhay, ngunit dito ito ay pangangailangan; kadalasan ang mga Amerikanong Pinoy pag umuwi sa Pilipinas, sila ay larawan ng tagumpay, kaligayahan at kayamanan. Kaya?
Ang iba ay tahasang ipinagmamalaki at ipinamumukha sa kanilang kababayan na hindi na nila alam ang gawing Pilipino, takot sa lamok, pagtili sa butiking gumagapang sa dingding, langgam sa ilalim ng mesa, pag aglahi sa nakakabaliw na trapiko sa kalsada ng EDSA, pagdaing sa mala hurnong init ng panahon, pagkasuklam sa tanawin ng bundok ng basura at ang walang pakundangan na pag hahalintulad ng kanyang ampong bayan sa Pilipinas.
Maaring sila ay may katuwiran , subalit sa isang anggulo, pakaisipin mo na ikaw ay nasa bansang dahop, ano ang dapat mong asahan? Sa aking palagay, ang ating ibang kababayan na umaasal ng ganito, ang turing nila sa kanilang sarili , sila ay isa ng banyaga at hindi na Pilipino. Ang pananaw na ito ay nagbibigay sa kanila ng kapangyarihan na mamintas at aglahiin ang kayang bayang sinilangan. Tumpak kaya ang aking pagtataya na ang mga ito ay hindi na naghahangad o nalulumbay sa kanilang tunay na bayan kung sila ay nasa bansang kanluranin? Nahirati na talaga sila sa buhay banyaga?
Minsan naiisip ko din ang kaginhawaan sa pamumuhay dito sa Amerika, ang bahay kong ladrilyo ay mainit sa taglamig at malamig sa taginit, malinis ang daan, ang aking alagang pusa ay may sariling manggagamot, maraming librong mahihiram sa aklatan, ang alagad ng batas at bombero ay madaling abisuhan .....
Ngunit habang ako ay gumagamit ng tabo sa aking palikuran, gumagamit ng hilod sa aking bukong bukong at talampakan, at ang butas ng aking ilong ay naghahanap ng amoy ng dinaing na dilis, sa isang sulok ng aking katawan, maaring ito ay sa aking puso, lapay o apdo, ang aking pangungulila sa aking bayan ay naandoon pa din at ito ay napapawi lamang saaking pagdalaw sa aking bayang sinilangan.
Comments
Post a Comment